Noong nakaraang taon ay ginanap na ang linggo ng mga unang preliminaryong pagsusulit sa ikalawang semester. Ayon sa isang ulat na nakalap, madami ang bumagsak at di pinalad na makapasa sa mga pagsusulit lalo na sa lebel ng mga bagong sibol na miyembro ng institusyon(freshmen). Nahirapan daw ang mga mag-aaral sa pagsagot sa mga pagsusulit sa mangilan-ngilang asignatura. May nagsasabing nahirapan sila sa kadahilanang wala daw silang natutunan sa mga naturang asignatura. Sa panuwari ng iba, ito’y dulot lamang ng katamaran ng mga estudyanteng ito na mag-aral ng mabuti. Ano nga ba ang katotohanan? Sino nga ba ang responsable sa nangyayaring di kanais-nais sa edukasyon ng mga mag-aaral? Sa tingin niyo, may pagkukulang ba ang paaralan at ang mga bumubuo dito?
Ang FEU-NRMF ay isang kinikilalang pundasyon pagdating sa mediko at paramedikong uri ng edukasyon. Nakapaloob sa mga programa nito ang isang kursong naglalayong magpatatag ng reputasyon ng “Perlas ng Silangan” bilang isa sa mga nasyong nangunguna sa produksyon ng mga nilalang na responsable sa pag-aalaga’t pagkakalinga sa ating kalusugan. Sa kursong ito ng institusyon, maraming indibidwal ang bumubuo upang mapagtibay at mapaghusay ang pagtuturo sa mga taong kumukuha nito, ang mga mag-aaral na umaasang matamo ang digri ng Batsilyer sa Agham ng Pagnanars. Nagiging sapat nga ba ang istandard ng mga haligi ng kurso gaya ng mga guro sa pagbibigay ng tamang kaalaman at pagpapalawak ng mga isipan ng mga mag-aaral sa kanilang kurso?
Iba-ibang dahilan ang masasalamin sa mga mag-aaral na kumuha ng programa ng pagnanars. Mayroong napilitan lamang na kunin ang naturang kurso sapagkat iyon ang dikta ng magulang dahil naririto ani nga nila, ang magandang kinabukasan, ang hinaharap kung saan di na proproblemahin pa ang pinasyal na aspeto. Sa kabilang banda, nariyan din naman ang mga mag-aaral na bukal at busilak ang persepsyon sa pagkuha ng kanilang kurso marahil sa kadahilanang nasa damdamin na nila ang tumulong at pagsilbihan ang kanilang kapwa sa paraan bilang mga nars. Kung susumahin ang mga ganitong uri ng estudyante, bibihira’t mabibilang na lamang sila. Base sa proposisyon ng buhay, mainam na sundin ang talagang ibinubulong ng puso’t isipan. Dapat hindi magpapadala sa sinasabi ng iba. Kung maipit man, idepensa ang pananaw upang sa bandang huli’y manaig pa rin ang minimithi. Ang isang tao ay uunlad lamang sa bagay na kung saan matatagpuan ang tibok ng damdamin. Kaya siguro mayroong mga mag-aaral na sadyang hindi mainam ang ipinapakita sa paaralan dahil na rin sa hindi ang kursong kinukuha nila ang tunay at awtentikong isinasamo ng kanilang kagustuhan.
Ang mga guro ng institusyon ay may mga sari-sariling karunungan at disiplinang ibinabahagi sa mga mag-aaral. Ang mga ito ay naituturo at paminsan-minsa’y hindi naibabahagi kaya may mga pagkakataong walang naiiwan sa pang-unawa’t memorya ng mga estudyante at may mga pagkakataong mayroon din naman. Ang mga guro ay pangkaraniwan nang nagtuturo ngunit nagiging di pangkaraniwan din sa kanila ang di magturo. Marahil di nila maibahagi ang isang karunungan dahil hindi sila handa, may pinagkakaabalahang iba o sadyang sinusumpong lang sa katamaran. Sa mga ganitong pagkakataon, inaasa na lamang ang pagkatuto sa parte naming mga estudyante. Datapwat nakatutulong din ito dahil nahuhubog nito ang aming pananaw na mag-aral, iba pa rin ang suplementong naidudulot kung nariyan lagi ang mga guro, handang magturo at ganadong magbahagi ng kanilang mga kaalaman sa abot ng kanilang tinataglay.
Pagdating sa ating paaralan, wala na akong mapuna pang kakulangan kung ipagpapalitang-kuro ang mga pasilidad at mga kasangkapan nito. Sa ating mga silid-aralan, ang apat na sulok ng mga ito ay palaging nanatili ang kalinisan at kaayusan sa tulong ng mga huwaran at matapat na mga tagapaglinis ng paaralan. Dahil dito, nagkakaroon ng mas mainam at higit na nagiging maginhawa ang mga mag-aaral kung saan nadaragdagan ang kanilang pagiging ganadong matuto. Gayundin sa silid-aralan, pahingahan, kainan, atbp. ay ginagawang mainam sa ikagiginhawa nating mga mag-aaral. Sa mga alituntunin naman para sa’ming mga estudyante, lubos silang napapatupad at lalo pang napapatatag. Saludo ako sa mga nasa likod ng mga alituntunin dahil nabibigyang-pansin ang pagdidisiplina at moralidad sa aming mga estudyante. Sa kabilang dako, ito lamang ang masasabi kong naging kakulangan ng paaralan; iyon ay ang palagiang pagbabantay at pagpapaalala sa mga ilang guro na turuan at itatak sa mga kaisipan ng mga estudyante ang kanilang ibinabahaging kaalaman sa pinakamadaling paraan at simpleng daan kung saan lubhang mauunawaan ng mag-aaral ang nais nilang ipabatid gayundin naman ang pag-aantabay ng paaralan kung ginagampanan nga ng mga guro ang kanilang responsibilidad na magturo.
Sa bandang huli, kung ako ang tatanungin kung sino ang lubos na nagkulang, ang aking isasagot ay ang mga mag-aaral. Sabi nga nila, “Ang kaunlaran maging ang kabuktutan ng tao ay nasa tao mismo.” Kung mag-aaral tayong mabuti, tiyak ang ating katagumpayan sa ating edukasyon gayundin sa pag-abot sa ating pangarap. Di man magturo ng madalas ang ilang guro o di man sila magbahagi ng kaalaman sa pinakamadaling paraan na naiintindihan natin, ano ang ginagawa ng ating “inisyatibo”? Sa abilidad nating ito, maaari tayong mag-aral at kumalap ng impormasyon upang tayo’y matuto at upang higit nating maintindihan ang isang kaalaman na di masyadong napaunawa sa atin ng ating mga guro. Isang bagay lamang ang aking ikokondena sa ilang mga mag-aaral. Iyon ay ang kalugmukan nila sa bisyo na siyang sumisira sa paglalakbay nila tungo sa kaunlaran. Hangga’t maaari, dapat na itong ibalikwas sa ating buhay dahil maghahatid lamang ito ng kasamaan at pipigilan lamang nito ang ating an gating pag-unlad gayundin, wawasakin nito ang ating mga nagawa’t nasimulan.
Aminin nating lahat na tayo’y nagkaroon ng pagkukulang ngunit hindi pa huli ang lahat sapagkat pwede pa nating punuan ang mga nalikhang butas nating mga indibidwal na sadyang nilikhang di perpekto. Magtulungan at magbuklod tayo. Tayong mga mag-aaral at mga guro kaakibat ang ating paaralan ay magkapit-bisig at pagtibayin ang misyon ng institusyon na humubog ng mga propesyunal na nars na binihisan ng kataas-taasang etikal, moral at sosyal na pagkakakilanlan. Ang dakilang adhikaing ito ay matatamo lamang sa paraan ng pagpapalawak sa karunungan at pagpapalinang ng disiplina sa aming mga mag-aaral. Ibig kong sabihin, marapat lamang na gampanan ng mga guro’t mga bumubuo ng paaralan maging naming mga mag-aaral ang mga tungkulin at responsibilidad na dapat isakatuparan upang makamit ang inaasam na tagumpay sa misyon ng paaralan. Tama lang na pagtibayin at lalo pang paigtingin ng ating paaralan ang mga alituntuning nakapaloob sa kanya na siyang magpapamulat ng “disiplina” na siyang susi upang magpatuloy ang pangkalahatang pag-unlad ng mga mag-aaral. Ang mga guro naman ay dapat gumanap sa kanilang obligasyon sa mga mag-aaral at iyon ay magturo ng buong linaw at husay at magbigay ng payo’t gabay sa mga naliligaw ang landas upang maiwasan at di mangyari ang mga di kanais-nais at di inaasahan. Higit ano pa man, tayong mga mag-aaral pa rin ang may malaking pinanghahawakan pagdating sa ating magiging kahihinatnan sa pag-aaral, nakaalalay na lang ang ating mga guro’t ang paaralan. Kung tayo’y magsusumikap at kung gagawin nating bukal sa ating mga damdamin ang pag-aaral ay di malayong makamit natin ang ating pinakamimithing pedestal na siyang magmamarka ng kasagutan sa mga tanong na sa simula’t sapul ay bumagabag na sa isipan ni Juan Dela Cruz na noo’y wala pang matibay na pananaw sa edukasyong pintuan sa pag-abot ng dakilang tagumpay. Ang dakilang tagumpay na aking tinutukoy ay ang maging mga huwaran na kontemporaryong nars ng ating makabagong panahon na hinubog sa sapat na karunungan at disiplina.
Thursday, January 24, 2008
Subscribe to:
Posts (Atom)